Ang bilis ng panahon, parang kailan lang nung tinawagan ako ni younger sis na dumating na daw ang visa ko papuntang Canada. Abril 17 noong iniwan ko ang Singapore pauwing pinas para lang muling iwan papunta namang Canada.
Ang bilis ng panahon, akala ko kahapon lang noong nag disi-sais ako, ngayon apat na na taon na lang may disi-sais na akong anak….parang gusto kong umiyak kasi parang hindi pa ko nakaka-alpas sa ganoong edad. Pakiramdam ko lang.
Ang bilis ng panahon, nakita ko sa web cam yung tatay at nanay ko kahapon, iniimadyin ko pa yung may hanggang balikat na buhok ni tatay noon, medyo kulot kulot ang laylayan, hubad-itaas habang suot ang pantalong levi’s na straight cut. Akala ko kailan lang yung madalas kong suotin ang mga pantalon nya na nagmimistulang bell bottom kapag suot ko, katerno ang puti o asul na t-shirt na may tatak na Guam Cockpit sa likod.
Kagabi, nahahalata na sa itsura nya yung mga panahong pinagdaanan niya na pakiramdam ko bata pa lang ako ay pinagdaanan ko na rin sa tuwing suot suot ko ang mga damit niya.
Hindi na naka-mini skirt ang nanay ko katulad ng madalas kong titigan na litrato niya noong kabataan niya, ang madalas kong sinasabi ewan ko lang kung may nakakarinig e ” hindi ko kaya ang tibay ng loob niyang mag mini skirt“. Ang seksi ng nanay ko noon kahit na ibinablandra niyang dumating siya ng maynila mula sa probinsya para mag katulong.
Ang bilis talaga ng panahon. Magdadalawang taon na ako dito sa Canada sa darating na Hunyo at mag lilimang taon mula ng nilisan ko ang ‘pinas, tinakasan ang buhay third world para mag domestic helper sa Singapore at maging Caregiver dito sa Canada…….nakakalungkot na nakakatuwa.
Viewed 52338 times by 2675 viewers