Habang kausap ng tito ko yung tatay ko sa Yahoo Call, narinig kong sinabi nya na “e etong anak mo ang taas taas ng pangarap e!”
Dahil sa nalaman nya sa bibig ng dalawa kong pinsan na balak kong mag part time study ng photography, naisip nyang masyadong mataas nga daw ang pangarap ko. Ang sabi niya sa akin ang dapat daw isipin ko e magtrabaho ng maigi at mag-ipon para daw madala ko dito ang mga magulang ko.
Pag sinabi nyang magtrabaho, ibig sabihin nun tama na yung magtrabaho ako sa bahay bilang alila ng mga puti caregiver. At mas maganda e kumuha pa ako ng part time na madalas e house cleaner din.
Siguro hindi nga ako nag-iisip na kumita ng malaki dahil hindi ako nagsusumigasig makakuha ng part time nanny job o house cleaning. Sa isip ko kasi e limang araw na ngang ganun ang ginagawa ko e pahihirapan ko pa rin ba ang sarili ko na mag-alaga ng bata o maglinis ng bahay ng sabado’t linggo?
Kahit na batuhin pa ako ng may pang-uyam na tingin….limang tingkad na araw akong nagtatrabaho ng may labing dalawang oras. Kahit pa sabihin nilang pantay-pantay ang mga tao dito. Na kung ano ang kayang kainin ng mga mayayaman e kaya ring kainin ng katulad kong mahirap, iba pa rin ang pakiramdam ng isang katulong na pinay sa bahay ng mga among puti.
Isisigaw ko pa rin na, pwede naman siguro akong magpahinga ng dalawang araw sa loob ng isang linggo ano!
At wala ba akong karapatang paunlarin ang sarili ko? magamit ko man o hindi sa magiging trabaho?Lalo na kung alam ko naman na mayroon akong kakayanan maliban sa regular na pagpaflush ng iniwang maruming kubeta. Mayroon din akong pwedeng gawin sa labas ng kung kani-kaninong bahay…..
Viewed 2010 times by 367 viewers

manilenya 
Welkam Bak Sa Akin!!!

