Basahin muna kung hindi pa nababasa, bago ito.
Ang karugtong….
Naglagay ako ng kaunting blush-on para maging presentable naman ang dating ko sa visa officer na makakaharap ko, manipis na lipstick at kaunting wisik ng pabango. Maganda ang panahon paglabas ko ng condo, nagdala ako ng librong babasahin ko sa train nang hindi ako balutin ng kaba na ilang araw ko na rin namang nararamdaman.
Pero pagbaba ko ng MRT isang malakas na ulan ang tumambad sa akin. Pakiramdam ko nasayang ang kaunting pag-aayos ko ng sarili. Hinahabol ko ang oras dahil quarter to 10 na, alas-diyes ang nakalagay na appointment namin ng visa officer at may dalawang kanto pa akong lalakarin patungo sa building ng embahada.
Wala akong nagawa kundi tumakbo sa gitna ng ulan, habang yakap yakap ang brown envelope na naglalaman ng mga orihinal kong mga papeles. Hindi ko naging ugali ang magdala ng payong kaya sa isip isip ko wala akong karapatang magreklamo kung mabasa man ako ng ulan.
Pagdating ko sa ikalabing-isang palapag, nakita ko na naman yung gwapong sekyu ng embahada ngunit hindi na masyadong rumehistro ito sa isip ko dahil patuloy sa mabilis na pagtibok ang dibdib ko. Ang sabi ko nga konti na lang matatapos na rin ang paghihintay ko.
Pagpasok ko sa loob ng opisina lumapit agad ako sa receptionist at tila ba ako talaga ang hinihintay ng babae dahil sa napansin kong nasa harap na niya ang mga papeles kong ipinadala mahigit isang buwan na ang nakararaan. Ibinigay niya sa akin ang pahina ng application na kailangan kong ifil-up, maya-maya ay nilapitan ako ng isa sa tatlong pinay na nadatnan ko doon, nagtanong kung magpapasa daw ba ako ng application.
“Hindi e, interview ko na .”
Ibinalik ko ang papel sa receptionist, binasa niya ito at maya-maya ay tinanong niya ako.
“How are you related to your employer?”
“The husband is my uncle ma’am,” tugon ko at sinundan ko pa ng “…my mother’s brother.”
“Okay, you may sit down for a while,” ang sabi ng receptionist.
Matagal ko na itong pinag-isipan, na kung tatanungin ako tungkol sa magiging employer ko ay sasabihin ko ang totoo at hinding-hindi ako magsisinungaling. Una halata naman sa mga apelyido namin na ang middle name ko ay surname ng magiging boss ko. Pangalawa ay ilang beses na rin namang may nag-payo sa akin na magsabi ako ng totoo sa interview, syempre ako rin naman ang mahihirapan kung sakaling kalkalin nila ang parteng iyon ng application ko. Ayaw kong matrap sa kasinungalingang ako rin naman ang gagawa dahil kahit kailan madaling mahalata kung nagsisinungaling ako o hindi.
Habang naghihintay nilingon ko ang tatlong pinay sa aking likuran na di magkamayaw sa pag-aasikaso ng kanilang mga papeles.
“Saan ka papunta miss?” tanong ko sa babaing lumapit sa akin kanina.
“Sa (probinsiya) ako e,”
“Saan mo nakuha ang employer mo?”
“Bigay ng kaibigan ko.”
Sa puntong ito naghahanap na ako ng damay, nagbabakasakali na kamag-anak nya rin ang magiging employer nya. Maari kaming magkapalitan ng mga ideya kung sakali. Gusto ko pa sanang makipag-usap sa kanila, ngayon ko kailangan ng kausap para hindi na ako magpakalalim pa sa kabang nararamdaman ko pero hindi ko magawa dahil sa nasa harap namin ang receptionist. Hindi naman sa binabantayan niya ang bawat kilos namin, maaring wala lang siyang choice kundi tignan kami dahil sa kami lang ang nasa harapan niya.
Nang tawagin ako upang magtungo sa isang kwarto ang tanging nasabi ko sa mga pinay doon ay “wish me luck!”
Sabay sabay silang nagwika na “oo papasa ka.”
Sampung minuto lang ako sa loob ng kwarto, sampung minutong hindi naman masasabing parusa kasama ng visa officer, sampung minuto kapalit ng sa isip ko’y katumbas ng isang daang taong paghihintay para sa araw na ito.
Tinanong ako ng visa officer tungkol sa current employer ko at pagkatapos ay sa magiging employer ko sa pupuntahan ko. Dito pa lang sukol na ako. Binitawan na niya ang mga katagang hanggang ngayon ay hindi nawawala sa isip ko.
“I am suspicious with this application.”
“You cannot blame me if I think that this is illigitimate.”
Konting tanong pa sa educational background ko, family background at pagkatapos ay balik na naman sa aking magiging employer.
Ganun pa ma mataman ang tingin ko sa kanya, halos walang kurap na sinasagot ang bawat mga tanong niya, itama ang mali niyang basa sa ilan sa mga detalye sa mga pepeles ko. Nagkakaroon lang ng pagkakamali sa pag gamit ng he at she, his, him at her dala siguro ng kaba.
Gusto kong sabihin sa aking kaharap na suspicious pa ba ang pagsasabi ko ng totoo ngunit hindi ko magawa. Nagsasalita lang ako kung kailangan kong sagutin ang mga tanong niya.
At sa huli ang sabi niya sa akin, “If ever i can’t give you the working permit that you need you still can apply some other time with a different employer, I still have to think about it you know wether to allow you or not. I will contact you. Anything you want to say?”
Wala akong maisip na sasabihin pa kung kaya ang sabi ko na lang sa kaniya ay, “Please don’t think that this is suspicious or illigitimate application, I JUST NEED THIS JOB.”
Paglabas ko ng tanggapan isa lang ang nausal ko sa sarili.
BAHALA NA ANG DIYOS….hindi si batman.
*****updeyt updeyt: tumawag pala yung visa officer sa magiging employer ko at katulad ng mga sinabi niya sa akin….. sa bandang huli ang sabi niya: PAG-IISIPAN KO PA.
| 2.5 |
Viewed 952 times by 263 viewers

manilenya
Pingback by 

