Sa kanya na aking ina!

blog, life

Gusto ko sanang kumanta rin ng Sa Ugoy ng Duyan pero naunahan ako ni MB, so huwag na lang. saka wala namang naikwento si nanay na inugoy niya ako sa duyan noong maliit ako e.

Ang alam ko kinailangan niyang itapon yung papag kasama ng mga damit, kumot at ilang kagamitan na siyang konti nilang pag-aari ni tatay noon dahil eksaktong 8 buwan pagkamatay ng panganay nilang anak na lalaki ay ipapanganak niya naman ako.

Siguro hindi na muna siya makakakanta, tulad doon sa kanta ni Levi Celerio. Pero ang lungkot ng pagkawala ng kanyang anak ay alam kong kinalimutan niya muna dahil alam niyang papadating na ako sa buhay nilang mag-asawa.

Isang makulay na kwento ang madalas naming marinig magkakapatid mula sa bibig ni nanay, yun ay pag naiinis siya sa katigasan ng ulo naming magkakapatid. Paulit-ulit iyon. Parang isang sirang plaka at pag mag-uumpisa na siya, sabay sabay na lang kaming magsasalita ng “eto na naman to!”. Madalas ay may kasama pang iyak yun.

Sino nga ba ang hindi makakalimot sa mga kwentong nagkarun ng malaking bahagi sa buhay naming magkakapatid:

  • yung pagsasanla ng kalan ni nanay para lang may maibili ng ipangluluto para sa aming hapunan at nung nakabili na siya, bigla niyang naalala na nasa kapitbahay ng pinagsanlaan yung kalan. Kaya yung plangana nilagyan niya na lang ng buhangin at doon gumawa ng lutuan.
  • yung kinailangan niya kaming iwan sa kapitbahay, kamag-anak at kung sino-sino pa para lang makatakas at makapagtinda ng hindi alam ni tatay para lang may maidagdag sa hapag-kainan namin. ( kaya nga hindi na ko nagugulat noong lumaki ako na bigla na lang me tatawag sa king anak dahil anak-anakan daw nila ako noong maliit pa ako.)
  • yung pag-akyat niya ng pader para lang makapagtinda ng isda sa loob ng isang subdibisyon na pinagsyusyutingan ng mga artista noon.
  • yung noong minsang nakatulog siya sa dyip dahil sa pagod sa paglalako ng isda ng may isang ale ang nagsiksik sa kamay niya ng isang limang piso (malaki na daw noong araw iyon sabi ni nanay) dahil sa awa sa itsura niya. Siya mismo pagkatapos ng nangyaring iyon ay naawa sa sarili niya.
  • yung kinakailangan niyang subuan kaming tatlong magkakapatid para lang maipagkasya yung pagkain namin sa tanghalian, di bale na siyang walang makain basta mabusog lang kami.

Marami siyang kuwento na tiyak walang-wala iyong mga ginagawang istorya na pang Maalaala Mo Kaya o Magpakaylanman. Mga kuwentong naranasan niya mula sa ibang tao at malalapit na kamaga-anak na talagang nagpapahina ng kanyang loob pero sa tuwing makikita niya daw kaming mga anak niya ay biglang daw siyang tumatapang.

Pero sa lahat ng paghihirap niya para sa aming magkakapatid. Hindi niya inaasahan na makakapagdulot kami ng mga hirap at sama ng loob sa kaniya.

Kamakaylan lang ng pag-uwi ko ng pinas, napag-usapan namin yung isang entry na ipinost ko dito. Hindi niya daw akalain na sa tanang buhay ko ay makakaisip ako ng ganoon. Hindi naman daw niya ako inoobliga at lahat daw ng kaya niyang ibigay ay ibibigay niya basta para sa aming magkakapatid.

“sandaling sandali lang naman yun e, hindi ko naman kayang gawin.” sagot ko, “at saka, blog iyon, medyo madrama lang basahin pero hindi ganoon kadrama yun.” gusto ko sanang isunod pa pero tumahimik na lang ako.
“Kahit na!”

Hindi naman talaga siguro maiiwasan iyong makapagbigay kami ng sama ng loob sa kaniya. Pero ang mahalaga natututo kaming mga anak niya sa pagkakamali, nakikita namin kung ano ang mga pagkukulang namin sa kanila at higit sa lahat nasusuklian namin ng pagmamahal ang pagmamahal na ibinibigay niya sa amin.

Sa lahat ng pagmamahal na ibinigay ni Nanay, gusto kong sabihin sa kaniya na siya ang aking kamay, ang aking paa, ang aking katawan, ang aking puso…….

Gusto kong sabihin sa kaniya na hindi si Aya, hindi ang kung sino pa man ……

Gusto kong sabihin sa kaniya na SIYA ang aking buhay. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin kung wala SIYA!

MALIGAYANG ARAW NG MGA INA
SA KANYA NA AKING INA!

(wala akong maganda niyang litrato e kaya pasensiya sya ..padalan niya ko ng pic niyang superganda kung gusto niya.. pero ganun pa man basta…mahal na mahal na mahal ko siya…siya na aking ina!)
Rate this:
2.5

Viewed 838 times by 184 viewers

RSS feed | Trackback URI

1 Comment »

2007-01-28 02:25:44

[...] na pala si nanay noong martes ng hapon, ang balak ko bago siya dumating ay kukunan ko siya ng litrato palabas ng [...]

 
Name (required)
E-mail (required - never shown publicly)
URI
Subscribe to comments via email
Your Comment (smaller size | larger size)
You may use <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong> in your comment.