Ilang araw ko ng napapansin si Mang Kulas na paligid-ligid sa aking bahay. Tatawagin ko na lang siyang Mang Kulas, inaakala kong siya ay lalaki dahil pangit namang pakinggan kung tatawagin ko siyang Aling Kulas. Nakikita kong sinusuyod niya ang kasuluk-sulukan ng nilikha kong pansamantalang pahingahan sa oras ng pagkabagot. Sinisisid ang kalaliman ng mga natabunan ng mga kwento. Hindi ko alam kung saan siya galing, basta na lang siyang sumulpot, ngayon pag titignan ko ang kanyang pinanggalingan direkta na siyang nakahimpil sa isa sa aking mga pahina.
Sa isa sa kanyang mga komento, ay inakala niyang malapit na niya akong makilala sa halos pagtira sa aking bahay sa loob ng ilang araw. Paano kung hindi pala totoo ang kanyang mga nabasa? Ganun pa man, nagpapasalamat ako sa kanya at binigyan nya ng kaunting panahon, ang hindi ko alam kung may kwentang mga entries na ito.
Sa kanyang pangalan ay may kanta akong naalala. Yung kanta ng Yano ang tsinelas.
Mang kulas
Pabili nga ng tsinelas
Pudpod na’t gasgas
Baka mapigtas tong luma kong tsinelas
‘tong luma kong tsinelas
‘tong luma kong tsinelas
‘tong luma kong tsinelas
Bigla ko tuloy naalala yung kwento ng tsinelas. Buti pa si Yano kahit na pudpod at gasgas may tsinelas.
Isa ata sa kinasama ng loob ko dati sa nanay ko Mang Kulas ay yung tungkol sa tsinelas. Napansin ko kasi na sa bahay namin ako lang ata ang walang tsinelas, kaya minsan pag nasa bahay ako at gusto kong lumabas, nakikigamit ako ng may tsinelas ng may tsinelas.
At pag ang me ari ng tsinelas ang lalabas, naturalmente wala siyang magagamit. At tiyak na tiyak pagbalik ko isang nakaungos na nguso ang tatambad sa akin sabay sasabihing “tsinelas ko to e, gamit ng gamit ng hindi kanya?”
“e wala akong tsinelas e, si nanay di ako binibilihan.”
Napatingin si nanay sa akin sabay sabing “bibilihan kita, e di ka naman pumipirmi ng bahay.”
Oo nga naman pala.
Madalas akong wala sa bahay. Buong araw…dalawang araw…tatlong araw. Sayang nga lang pala ang tsinelas.
Mahabang panahon na rin yung lumipas Mang Kulas, sobrang tagal na.
Noong minsang nandito siya at nagbakasyon ng may isang linggo, iniwanan niya sa akin yung binili niyang tsinelas…hindi ko rin naman nagagamit.
Kasi ngayon pumipirmi na ko sa bahay.
| 2.5 |
Viewed 615 times by 172 viewers

manilenya

