Isang pinay.
Frustrated singer, dancer at pwede ring
Frustrated bold star
Pinakamatanda (at pinakabunso) sa tatlong magkakapatid.
Puro kami mga babae.
Isang Single Mom.
mahilig magmuni-muni.
mahilig mag-isip di lang halata.
dating aktibista sa puso, sa isip, sa salita at sa gawa.
mananatiling aktibista sa salita, sa salita, sa salita at sa salita.
Bobang Pinay:
Sa totoo lang wala pa namang tumawag sa aking ng boba. Tanga, lampa, nerbyosa, matatakutin, mahina, mabagal kumilos. medyo mabagal mag-isip (sa salita ngayon kung baga “slow”, iyakin. Iyan daw kasi ako noong bata pa kaya hanggang sa paglaki dala-dala ko na yang mga karakter na yan.
Takot ako sa dilim kaya maging ang mga nakababata kong mga kapatid, madalas akong takutin noon kapag oras na ng tulugan, patay man o bukas ang ilaw habang nakahiga madali nila akong takutin.
At dahil “slow” ako katumbas na rin iyon ng katangahan. Ilang beses pa pauulit-ulitin bago ko maintindihan ang sinasabi sa akin. Pero mas iniisip ko baka bahagi yun ng pagiging matigas ng ulo ko na hindi pa nila nakita sa akin noong bata pa ako. Sabi nga ni nanay ako daw ang pinakamabait sa amin e. Pero yun pala matigas ang ulo, mahirap pagsabihan. O napapagsabihan pero hindi nang-iintindi.
Bawat kilos ko hindi pwedeng walang sakunang mangyayari, hindi pwedeng walang mababasag, hindi pwedeng walang mababali, hindi pwedeng walang masisira. Basta hindi pwedeng walang negatibo o masaklap na mangyayari.
Mahina?
Hindi ko alam kung mahina ang ulo, pero sa pangangatawan mahina nga daw ako. Kinailangan pang ipagnobena daw ni nanay para lang tuluyan ng gumaling kaya noong minsang gusto kong subukang magsimba sa ibang relihiyon nagpatintero pa kami sa may pintuhan. Sukdulang itago ni nanay ang tsinelas ko para lang hindi makalabas ng bahay. Pero ano nga ba magagawa niya sa isang batang matigas ang ulo?
Mahina sa akademiko?
Hindi naman daw. Dahil pag nasa lower section naman ako ako ang nangunguna sa klase at talagang sobra ang nilalaktawan kong section pagdating ng susunod na taon. Yun nga lang dahil sa susunod na taon matatalino na ang mga kasama ko sa silid aralan, natotyope na ako, bumababa ang tingin ko sa sarili ko at hindi na magpapapasok sa klase kaya ang siste balik ulit ako sa lower section sa susunod na taon.
Pasan-pasan ko na ang mga bawat personahe na gustong makita sa kaloob-looban ng mga taong may ganyang “katangian”. Kaya ang mga taong nasa paligid ko kapag may nakikita ng bago o kakaiba (tingin nila noon lang nilang nakitang ginawa ko) ay parang nagtataka sila. Ako daw ba iyon?
Pero siguro nauunawaan din nila na lahat ng bagay nagbabago. Kasabay ng pagdagdag ng mga taon sa edad ko ay ang pagdagdag ng lakas, kaalaman, tyaga na matuto, tapang ng loob at kapal ng mukha.
Maaring hindi na ako yung tumimo sa isipan nilang ako noong bata pa ako. Dinurog na ng mga karanasan ang dating batang iyon at ako’y naging bagong tao.
Ang konting laman ng isip ko ay nagagamit sa pakikipag transaksyon sa anumang legal matters nag pamilya (pag-aayos ng papeles, pakikipag-usap sa kunwari mga tao, pagpunta sa mga gov’t agencies na may kinalaman sa pamilya at kung ano-ano pa).
May mga panahon na hindi na kinakain ang dibdib ko ng takot.
Ang mahihina kong mga daliri na ni hindi daw makapisil ng kalamansi ng maayos para makuha ang juice, ay nakapagbigay ng aray sa likod ni tatay noong natuto akong magmasahe ( e di ngayon nakaganti na ko sa kanya!)
Yun nga lang mabagal pa rin ako maka catch-up. Madalas walang “sense” ang mga lumalabas sa bibig ko. Madalas para pa rin akong tanga. Madalas hindi pa rin ako makapagdesisyon ng maayos. Madalas nagiging boba ako.
Kung iisipin talagang boba ako …boba na nagpapanggap na matalino.
| 2.5 |
Viewed 1188 times by 220 viewers

manilenya
Comment by


