Sabi ni smarie dito  ”when it rains, it pours”. Sabi naman ni ate rhodora sa mga nangyari sa akin sa loob ng dalawang araw na pananatili ko dito e swerte nga daw. At mukhang ang swerte ko nga umuulan.
Iyong dalawang swerte ko mukhang nadagdagan eksaktong isang linggo ko dito. Mas matindi pa sa amoy ebak na natapakan ko at mas masakit pa sa kagat ng pusa na natapakan ko rin.
Bumalik ako sa NBI sa Quiapo. Kung noong unang punta ko ay nakita ko sa malayo yung sirang watawat ng Pilipinas sa building ng NBI, tinapatan ko na ito noong lunes ng hapon. At mas matindi pala ang sira nito sa malapitan, hating-hati sa gitna ang watawat na parang ginunting ang kulay pula at asul nito.
Pagkatapos nito nagpasya akong tumuloy sa SM San Lazaro. Sa likod ng simbahan ng Quiapo, hinarap ko ang init ng araw ng hindi alam kung ano ang sasakyan. Nagtanong ako sa mga taong katabi ko at ang sabi Blumentrit daw ang sakyan ko.Â
Pinara ko ang isang Blumentrit-Quiapo na dyip at nagtanong kung dadaan nga ba sa SM at ang sagot ay oo. Syempre sumakay ako oo daw e.
Pagdating sa may Dangwa parang nagtataka na ako, medyo iba yata ang byahe sa isip-isip ko kaya tinanong ko naman ang babae sa tabi ko, mukha naman siyang matinong kausap pero hindi kaagad sumagot ng tanungin ko kung dadaan nga ba ng SM San Lazaro yung dyip na sinasakyan namin.
Magtataka ka siguro kung bakit taal akong manilenya pero hindi ko alam kung ano ang sasakyan ko papunta doon. Una talagang hindi ko alam mula Quiapo pero alam kong lakarin papunta doon pramis. Pangalawa mas alam ko siyang puntahan kapag nasa amin ako sa tundo. Pangatlo kasi tanga ako.
Nakarating kami sa may Retiro hanggang sa makita ko na ang gate ng North Cemetery at lahat ng mga kasama kong pasahero ay nagbabaan na rin. Nasa Blumentrit na nga kami. Ang pesteng mamang drayber na tinanong ko ng dalawang beses kung dadaan ba ng Sm ang dyip nya ay tumingin sa akin na nagtatanong kung saan ako dahil nasa pila na pala kami pabalik ng Quiapo.
Sa totoo lang muntik muntikan ko na siyang murahin pero tinarayan ko na siya. “Bakit nagtanong ako sayo kanina ang sabi mo OO DADAAN TAYO SA PUPUNTAHAN KO! e manloloko ka pala.” ang sabi ko.
May nakita akong mga nakapilang dyip, nilapitan ko at tinanong yugn drayber kung dadaan ba sa gusto kong puntahan. Mabait ang mama, sabi niya sa akin dadaan daw pero maglalakad pa ako ng konti. Akmang sasakay na ako ng tinanong ako ng barker yata iyon kung may token daw ba ako.
Sosyal na pala ang mga dyip ngayon kailangan na ng token. Pagkabili ko saktong puno na pala yung dyip na pinagtanungan ko kaya umusad na siya paalis.
Ang SWERTE KO TALAGA…UMUULAN!
Sumakay ako sa sumunod na sasakyan at nagsabing kung pwede ihatid ako sa babaaan malapit sa pupuntahan ko na medyo garalgal na ang boses. Ang GAGONG unang drayber na nasakyan ko lumapit, ibaba daw ako sa malapit kasi daw LUMAGPAS ako. Ako pa ang parang sinisi ng HAYOP!
Iyong pinagsama-samang paranoia sa paglalakad ng Avenida hanggang Quiapo sama na natin ang sobrang init ng araw na sinalo ng mga balat ko at ang nyetang karanasan ko sa para sa akin ay walang modong drayber ng unang dyip na nasakyan ko, hindi ko na napigilan yung pagpatak ng mga luha ko.
Sa dyip habang umaandar tulo ng tula ang luha ko. Hindi ko mapigil. Feeling ko bida
ako sa isang telenovela at nararamdaman ko na halos lahat ng mata ng mga kasama kong pasahero ay nakatutok sa akin.  Habang umiiyak,  ang nasa isip ko?
Biruin mo yun, mahal na mahal ko ang bansang ito. Kahit sinong pinoy ipinagtatanggol ko kahit sa salita lang dahil bahagi siya ng mga uring inaapi tapos ito dahil sa pitong pisong pamasaheng nakuha sa akin e GINAGO ako.
Noong araw na iyon, eksaktong isang linggo ko dito parang gusto ko ng umalis ulit.
| 2.5 |
Viewed 1556 times by 369 viewers

manilenya
Comment by