Dati sanay akong maglakad, lakad na may direksyon man o wala. Dati din yung mga paa ko malayo ang nararating. Sasakay ito sa dyip o bus na maghahatid sa akin patungo sa kung saan. Nueva Ecija, Laguna, Pampanga, Antipolo, Bulacan, Marikina, Project 4, UP Diliman, PLM, MLQU, Malate, FEU, Mendiola, Plaza Miranda, Liwasang Bonifacio, Remedios, TM Kalaw, US Embassy, Recto, Quiapo, Sampaloc, Sta. Mesa, San Juan, Santol, sa may highway malapit sa amin, Roxas Blvd, Baywalk, Mayrics, Makati, Padis Point, Cowboy Grill, Pier One, likod ng CCP, Luneta, Batuhan, Smokey Mountain, Navotas, Malabon, Ongpin, Fish port, Sta. Cruz, Pedro Gil. Pwedeng nakatsinelas, naka rubber shoes, naka bulldog, sandals. Minsan hinahatid ng de trolley sa may riles ng tren galing skul hanggang Pandacan, o libutin ang Sta. Cruz, Laguna gamit pa rin ang trolly sa gitna ng riles kapag walang tren. Mananatili ako sa mga lugar na yan ng buong araw o kaya magdamag, uwian o aabot ng ilang araw hanggang sa malalaman ko na lang pagdating sa amin na sunog na pala ang bahay ng kapitbahay…konting konti na lang actually nadilaan na pala ang bubungan ng bahay namin.
Dati nga sanay na sanay akong lumakad, lakad na may kasamang takbo, tapos lakad ulit, tapos takbo. Lakad takbo, takbo lakad pero nung isang gabing naglakad kami ni Red, tinanong ko kung okey lang siya. Sabi niya oo. Sabi ko ako hindi, pagod na ko e.
Hindi na nga ako sanay maglakad. Pero kanina lakad ulit ako. Siyam na oras sa dayuhang kalsada.
Ilang minuto sa embassy katumbas ng isang taong maaring paglakad na may kasamang takbo ng mga paa ko sa isa pang dayuhang kalsada. Kalahating minutong pagkakaupo sa gilid ng isang napakataas na gusali. Isang oras at kalahating pakikipagpalitan ng tunog ng mga kutsara at chopsticks sa mga puting expat at mga locals sa isang Japanese restaurant. Halos isang oras na pagkaligaw sa dalawang train sa MRT. Urong, sulong, sakay ng tren, baba, lakad, sakay ulit pabalik sa nilabasang tren. Naligaw nga ako. Balik sa pinanggalingan. Sakay ulit ng tren. ewan ko kung ano nangyari sa akin. Epekto kaya ng bagong chapter ng nobela ko?
Ang pinakamasaya nito, hindi ko kailangang pilitin ang mga paa ko sa paghakbang, hindi ko kailangang pwersahin ang mga talampakan ko sa pagtakbo dahil kahit anong oras pwede akong huminto. At tumayo ng matagal. At maghintay. Maghintay ng maghintay . Mga tatlong oras.
Okey lang namang maghintay basta pagkatapos noon kakain ako ng masarap na donut. Mga tatlong dosena pagkatapos kakain ako ng Mini Wok na mainit. Yung mainit na mainit.
Tapos. Matutulog na ako kasi napagod ako sa maghapong paglalakad.
| 2.5 |
Viewed 1602 times by 395 viewers

manilenya
Comment by