Kwentong paulit ulit walang katapusan.
Kapag naririnig ko na kung hindi “narinig ko na yan e” ang madalas kong sabihin ay lalayo ako sa umpukan at may gagawin sandali, pero maya-maya lang babalik ako sa kwentuhan. Makikinig at titignan ang reaksyon ng mga kinikwentuhan ni nanay na madalas naman e kami kami rin o kaya sila sila na madalas ding makarinig ng mga kwento ni nanay. Daig pa si Lola Basyang.
Pero nung kinwento nya ito sa amin noong bagong dating siya dito parang may kakaiba. Hindi. Ibang-iba talaga. Parehong kwento pero may dagdag na drama.
Ang Kwento
Minsan isang linggo may matandang uugod-ugod ang dumadaan sa pwesto namin. Hihinto siya sa harap pagkatapos ay isasahod nya ang mga palad sa harapan ko. Ang gagawin ko kukuha ako ng sampung piso mula sa dilintar ko at iaabot sa kanya.
pinaraphrase ko na lang yan at pati na ang mga susunod.
Ilang beses din yun na bumabalik siya linggo-linggo, walang paltos. Pero minsan dalawang beses ko yata siyang nakita na nilahad ang mga palad nya sa harap ko kaya dalawang beses ko na rin siyang binigyan ng sampung piso.
At ang dalawang beses na iyon sa isang linggo ay naging regular na. Isang araw sabi ko “hmmnn, nakaka beinte na isang linggo sa akin ang mamang ito ha.” Pero inalis ko agad sa isip ko yun, sabi ko para lang akong nagmiryenda ng beinte isang linggo.
“E di ganoon na nga ano nangyari ano?” (linya na ng nanay ko yan, ganyan sya magkwento madalas.)
At ang dalawang beses ay naging tatlo. At naging regular na yung tatlong beses. Bale trenta sa tatlong sampu sa madaling sabi. Medyo napaisip na ko, para yatang nakakarami na sa akin ang matandang ito kaya kinausap ko na siya.
“Tang, aba e nakakahalata na ako ha. Para yatang nakakarami ka na ha. Noong una isang beses lang sa isang linggo, ngayon lagi na tayo nagkikita sa isang linggo ha.”
Sagot ng matanda ‘e para ka lang tinatalbusan nyan.’
Maya-maya umiiyak na si nanay, sumisinghot pa tapos biglang humagulgol at sinabi na “tignan mo nga naman itong matanda na to ano?”
“Teka teka bakit ka umiiyak? Huwag ka na umiyak. Walang iyakan naman.” boses ko na yun.
“Kasi diba yung talbos ng kamote habang tinatalbusan lalong lumalago? biro mong pinagiisipan ko ng masama yung mamang yun pagkatapos siya pala umagang-umaga pa lang nananalangin na sana maging maganda ang benta ko para pagdating nya may maibibigay ako. Maliit lang yung naibibigay ko sa kanya kung tutuusin kaysa sa ginagastos natin.”
Noong gabing iyon, kakaiba sa gawi namin sa pagtulog. Nilagay ko ang kaliwang braso ko sa ulunan nya habang nakayakap ang kanan kong braso sa katawan nya sabay dantay ng mga paa. Nadala yata ako sa drama ni nanay.
Siya nga pala, kaarawan ni nanay ngayon. Sa kanya na lang ako babati mamaya pag-gising nya.
| 2.5 |
Viewed 1139 times by 242 viewers

manilenya
Comment by 

