Sinulatan kita kanina. Pinagpag ko ang aking mga kamay. Kinuha ang ballpen na binili sa Popular Bookstore, tinanggal ang takip at mahinay na pinagapang ang mga tinta nito sa iyong pahina. Ang sabi ko uumpisahan kong magkaroon ng oras sa iyo, uumpisahan kong itutok ang mga mata ko sa iyo kahit sa maikling oras lang. Magkuwento ng kung ano ang nangyari sa akin sa buong maghapon, magbukas ng loob sa kung ano ang nararamdaman ko para bukas pagbukas ko sa iyo ay makita ng dalawa kong mata na may nangyari sa akin kahapon. Para bukas malaman ko na buhay ako kahapon at para bukas madama ko na buhay pa rin ako, nagbabasa.
Nagsulat nga ako pero hindi pa ako umaabot sa kalagitnaan ay nararamdaman ko na ang panginginig ng mga kamay ko, nakikita ko na ang unti-unting pagbigwas ng mga daliri ko. Nawawalan na ng mga direksyon ang mga letrang sinusulat ko. Wala pa akong gaanong naisusulat kung baga introduksyon pa lang, ni hindi ko pa nga naipapakilala ang sarili ko sa iyo.
Kung naalala mo ang sabi ko noong bandang huli?
unti-unti pumapangit na ang sulat ko
tatagal ba ako?
kakayanin ko ba?-THE END-
Ni hindi nga ako nakapagpaalam sa iyo. Ewan ko kung mababalikan pa kita. Sorry. Wala akong maikwento. Wala yata talaga akong buhay na pwedeng ishare sayo. Ewan ko lang kung next time meron na. Sana.
| 2.5 |
Viewed 724 times by 166 viewers

manilenya
Comment by 
