Nagising na lang ako bigla na ayaw ko ng gamitin ang mga katagang -ang blog ng bobang pinay-, una may nakapansin na baka daw isipin na sumasakay ako sa popularidad ng gumawa ng Bobong Pinoy. Pangalawa naisip ko na maaring makasakit ako ng loob ng ibang tao dahil kapag sinabing pinay maaring ipinakikilala ko na rito ang buong populasyon ng mga kapwa ko pinay katulad ng nasaktan ako ng mabasa ko sa isang pakikipag-usap sa isang kaibigan ang mga salitang “you know how stupid Filipinos are“. Pinoy kasi ako e. At kapag sinabi mong stupido ang mga pinoy para mo na ring sinabing stupido ako.
Iyong paggamit ko noon ng bobang pinay, isang katunayan lang kasi iyon ng pagiging self-depreciative ko pero iba pala kapag yung buong kalahi ko na ang pagsasabihan ng stupido. Parang hindi na ko makakapayag noon.
Kahit pa sabihing bumoto ang sambayanang pilipino ng isang artista sa pagkapangulo at noong bandang huli ay pinababa rin ng mga middle class kasama ng mga pulitikong may sariling interes sa nasabing posisyon, walang karapatan ang sinuman na sabihing istupido ang napakaraming mamamayan na bahagi ng mga pinaghahariang uri.
Para sa akin wala itong pinagkaiba sa pagdikdik sa isang babaing nireyp sa halip na akusahan ang rapist nito, pagpapakulong sa isang batang nahuling nang-amot ng tinapay dahil sa gutom sa halip na pakainin ito, at pagtanggal sa trabaho ng isang manggagawa dahil sa humihingi ng kaunting dagdag na sweldo sa halip na dagdagan ang sweldo nito.
Kung tumakbo man sa eleksyon ang isang artista wala tayong magagawa dahil karapatan naman nila ito. Iyon ang diwa ng sinasabing demokrasya, iyon din ang diwa ng sinasabing kalayaan. At malaya din ang mamamayan kung sino ang gusto nilang iboto, ngayon kung mayroon mang pagkakamali sa pagboto dahil sa bumoto sa maling kandidato o nagpadala sa kaunting suhol ang nakararaming pinoy, kasalanan ba nila ito?
Hindi ba masasabing kasalanan ito ng mga nagsasabing mas may isip sila dahil hindi nila ibobot ang mga kandidatong nabanggit ko dahil sa halip na magsalita sa pageeduka ng mamamayan ay mananahimik lang sa isang tabi dahil sa sinasabing kultura ng kapaguran? pero mas kultura ng walang paki-alam para sa akin.
Ngayon kung igigiit sa akin ang mga nakalagay sa Pedagogy of the Oppressed, bakit di kaya namin muling upuan ang nasabing libro para malaman ang esensya ng edukasyon para sa mga Pinaghahariang Uri sa lipunan? Hindi ko natapos ang libro pero malinaw sa akin na sa bandang huli magkakaroon ng pagkatuto hindi lang ng mga tinatawag na Oppressed kundi pati na rin ang tinatawag na facilitator ng pagkatuto.
Nakikita natin ang problema pero may mali yata sa pagbibigay ng solusyon.
Ito’y sa pakiwari ko lamang kaibigan.
| 2.5 |
Viewed 1389 times by 366 viewers

manilenya
Comment by