Matapos kuhanin ang aking timbang at bigat, matapos akong kuhanan ng HIV test, matapos tignan kung malabo o malinaw pa ang aking mga mata tinawag na ako ng doktor para sa physical check-up.
Pinahiga ako sa kama ng doktor.
“Please remove your shirt and bra,” sabi ng nurse.
Ha??!!!??
“Remove your shirt and bra!” ulit pa ng nurse. Napansin ko na yung pagiging iritable sa boses ng tsekwang nurse, masama ang ugali niya sa tingin ko dahil ang sama ng mukha niya habang nakatalikod sa babaing nagsorry noong napansin niyang natigil ang pagbabasa ko ng mga letrang tinuturo niya kanina ngunit may malambing na tinig na nagsabing “it’s okay”.
Nahihiya ako sabi ko.
“It’s our procedure. you have to remove your shirt and bra for physical examination. And you have to unbutton your pants. The doctor will check your stomach too.”
Napatigil ako. Ayaw ko sa lahat ay ang maghuhubad sa harap ng ibang tao lalo pa at lalaki. Kaya nga hindi ako nagkalakas ng loob na mag-apply sa ibang bansa noong nasa pinas ako dahil ang sabi sa medical check-up daw ay patutuwarin ka pa ng doktor, hindi lang titignan ang kabuuan mo kundi pati ang kasuluksulukan ng katawan mo.
Kahit mismo sa taong nag donate ng sperm cell para kay Aya ay hindi ako naging komportableng nakahubad sa harapan niya, dito pa kaya sa doktor at nurse na hindi ko kilala.
Wala akong nagawa, nandito na ko sabi ko sa sarili ko. Hinubad ko ang shirt at bra ko at tsinansingan ako ni doktor. Mabilis na pagsalat kung may bukol ba sa dibdib at kung may masakit ba sa bawat pagdiin sa aking sikmura . Hindi inabot ng limang segundo kaya hindi ko alam kung sa ganoon kabilis ay malalaman na niyang wala akong sakit sa dibdib at sa sikmura.
“You’re going to Canada.”
Ha!
“You wanna go to Canada right?” sabi ng doktor.
Opo.
“So you’re going to Canada.”
Hindi ko maalis sa boses ko yung excitement pagkarinig sa sinabi ng doktor, “are you sure?”
“Yeah! are you happy?”, pakiramdam ko kadeyt ko si doktor noong narinig ko ang tanong niyang yun. Nagdedeyt kami dinner with candle light at may kasamang malambing na musika na pumapailanlang sa ere.
“Yes, very happy!”
Pinalabas ako ng nurse at nagsabing bye at take care, ibigay ko daw ang mga hawak hawak kong papeles sa front desk.
Excited akong kinwento yung sinabi ng doktor sa akin kay younger sis na nag-aantay sa labas. Pero nawala yung nararamdamang iyon noong sinabi ng assistant ni doktor na bumaba ako sa 10th floor para sa X-ray. Hindi pa pala ako tapos pinaasa lang ako ni doktor.
*****
Pagkalipas ng dalawang araw, tinawagan ako at pinabalik sa klinika. Hindi daw maganda ang resulta ng X-ray ko.
“is it bad doc?”
Hindi naman nakakatakot ang reaksyon ng doktor, basta binigyan ako ng amoxycillin na iinumin ko sa loob ng dalawang linggo at ang sabi niya hindi daw kasi ako paalisin ng embassy sa resulta ng x-ray ko.
Kahit na hindi naman grabe ang resulta ng medical ko siyempre hindi ako mapakali hangga’t wala pa sa kamay ko ang visa na magsasabing napagtagumpayan ko ang sunod-sunod na tensyon parang roller coaster sa dibdib ko dala ng visa application na ito.
| 2.5 |
Viewed 702 times by 195 viewers

manilenya

