Speechless ako, I decided not to post my reply sa mga comment nyo sa previous entry ko. Naging okey naman ang kwento sa tingin ko hindi ko nga lang alam kung ano ang tingin nyo. Dinaan ko na lang sa kwento yung naramdaman kong pinagsama-samang excitement, kaba, pagdududa sa sarili ko kung makakayanan ko ba o okey lang na hindi ko maipasa ang interview.
Speechless ako pero ito tuloy tuloy ang pagdaloy ng mga salita, nakakatawa diba? Ang sabi ko noong bago ang araw ng interview ko, okey lang na hindi ako makapasa sa application ko, baka umuwi na lang ako ng pinas. Gusto ko mag-aral ulit ng kahit ano, naikwento ko na kay dyosa iyon, pero baka sabay-sabay na namang manlaki ng mata ang mga magulang at mga kapatid ko at sabihing “ANO MAG-AARAL KA ULIT?”, ayaw ko ng marinig iyon. At baka sundutan pa ng mga palasak na salitang natatanggap ko kay tatay na “aral ng aral walang katapusang pag-aaral!”.
Pero malabo ring mangyari yun kung sakali dahil sa mayroon akong isang maliit na batang pinag-aaral at kailangan kong magtrabaho para sa kanya. Ang sabi ni nanay sa telepono kahapon, ayaw ko naman daw ng trabaho niya. Matagal na niya akong tinuturuan sa pagtitinda nya ng isda sa bangketa, ito na ang kinalakihan naming hanapbuhay ni nanay. Wala akong naisagot dahil sa tingin ko hindi ko talaga kaya ang mga diskarte nya sa negosyong iyon.
Hindi ko plinanong mangibang bansa, ni hindi ko plinanong magpunta dito sa kinalalagyan ko. Kung tamang sabihing kusa siyang lumapag sa mga palad ko, oo kusa nga siyang lumapag dito. At hindi ko rin pinangarap na magpakalayo-layo pa sa pinas, sabi nga ni younger sis “…kabilang mundo na yun. Kung dito ay araw gabi naman doon. Masyadong malayo at mahirap makabalik pa sa pamilya mo, kailangan kayod marino para makauwi ka kahit kailan mo gustuhin.”
Pero may nag-alok ng tulong at sino ba ako para tumanggi? Sabi nga ni TK maraming pinoy ang naghahangad na mangibang bansa eto at may mga taong handang tumulong sa akin tatanggihan ko pa ba?
Narito na ito, kung baga malapit na ako sa dulo. Sinaklot na ng takot at kaba ang aking kabuuan dala application na ito. Hanggang hindi man direktang nilapitan ko na kayong mga kaibigan at kablag ko para samahan ako sa pagdarasal (hindi ko alam kung dahil sa paniniwala kong hindi ako malakas sa itaas o dahil sa mas maraming magdadasal para sa akin mas maabot ko ang gusto kong marating.)
*****
(Hinga ng malalim!)
Kanina may natanggap akong tawag, may appointment na daw ako para sa medical. Nabasa mo iyon TK (heheheheeh ewan ko kung bakit ikaw ang unang dumapo sa utak ko :), preng knix, myepinoy, karmi, master kahit nang-aasar ka, Bro. Vince, preng jlois, cruise, miss mymy, nona, rho, sasha, malaya, ann, mam teks, lohika, Ymir, niceheart, razz and Leah.
Nakapag-isip ng maayos ang visa officer hindi ko alam kung may bumatok sa kanya para magising at huwag akong pagduduhan, may dumapo sa kanyang kalapati para magbigay ng mabuting balita o may anghel na yumakap sa kanya at nagsabing maghasik siya ng pagmamahal at huwag alisan ng pag-asa ang isang taong iyon lang ang mayroon.
Ang sabi ng employer ko dito, blow out daw! Ang sabi ko naman pwede bang hintayin muna natin ang resulta ng medical ko? Ang dami kong nararamdaman resulta yata ng masyadong pag-iisip at naalala kong diabetic ako at kailangang magpatingin sa doktor.
Panibagong pagdadasal para sa akin.
| 2.5 |
Viewed 735 times by 206 viewers

manilenya

