Ito lang naman ang bumungad sa akin ng magbukas ako ng email:
Tignan mo nga naman yan o birthday pala nitong babaing ito. Teka sino ba siya? Siya lang naman ang paborito kong kuhanan ng litrato pag hawak ko ang kamera niya.



Kaarawan nga ni sisterette, may limang taon din kaming dalawang naging magkasama bago sumulpot si youngest sis. Isa’t kalahating taon lang ang bata niya sa akin kaya para lang kaming magkalaro. Utang na loob niya sa akin yung ikinatatangi-tangi niyang palayaw. Hindi ko daw kasi mabigkas noon yung pangalan niyang Mary Grace at ang lumalabas lang sa bibig ko ay Ging-ging. Yes! siya po si Ging-Ging at ako naman si Luningning ng walang kamatayang Batibot noon.
Naaliw naman siya sa palayaw na yun kaya ayan kahit may anak na’t lahat Ging or Ging-Ging pa rin ang tawag sa kanya.
Kami ang madalas magkasama na itinatapon este inihahabilin ni nanay sa kapitbahay o kamag-anak pag magtitinda na siya ng isda habang si tatay ay nasa trabaho. Kaming dalawa ang madalas bihisan ng parehong damit, kulutan ng buhok ni nanay at pagkatapos ay kukuhanan ng litrato. Kaya noong minsan na nagpost ako ng litrato namin ni youngest sis e nagtatampo pa niyang sinabi na “bakit ako wala sa picture?”
At dahil hindi naman nagkakalayo ang edad namin, kami rin naman ang madalas mag-away dahil sa kung anu-anong bagay na hindi ko na matandaan.
Pero ang hindi ko makalimut-limutang karanasan sa kanya ay yung madalas kong paghabol sa kanya hanggang sa may malapit sa tulay (may ilog pa noon sa tundo) sa tuwing aalis si nanay para magtinda. Nariyan na pareho kaming magpagulong-gulong sa lupa dahil sa gusto niyang umalpas sa pagkakayakap ko. Imagine nyo yung dalawang batang halos magkasinglaki lang ay magkayakap na nagpipigilan sa may tabi ng tulay. Nariyang lahat ng tambay sa tabi ng tulay ay sabihin kong mga pulis o baranggay tanod para lang huminto siya at sumama na sa king pauwi ng bahay. Pero malakas si payat uuwi akong hinihika tiyak pero patuloy pa rin siya sa pag-iyak sa pag-alis ni nanay.
Ang pagod at hirap na naranasan ko sa kanya sa mga panahong iyon ay syempre binayaran niya naman sa pamamagitan ng pagtingin-tingin kay Aya noong kapapanganak ko pa lang. Dahil siguro sa pagod kong magdala ng sanggol sa aking sinapupunan ng siyam na buwan hindi ko na isasama pa yung ilang oras na pag lalabor, sila ni youngest sis ang nagpapalit ng diaper at nagpeprepare ng gatas sa magdamag habang nagpapahinga ako. Sila rin ang nagmamahal, umiintindi at tinanggap ng buong-buo si Aya bilang isang bagong kapamilya.
At higit sa lahat siya ang bukas-loob na sa akin ay nag-ampon.
Kay younger sis…..para sa iyo ang araw na ito.
MALIGAYANG KAARAWAN SA IYO!
| 2.5 |
Viewed 839 times by 222 viewers

manilenya

