Taliwas sa madalas sabihin ni nanay na kinatatakutan ko ang boses ni tatay sa tuwing nalalasing siya, mayroon akong dalawang bagay na talagang kinatatakutan sa murang edad.
Ang una ay yung araw-araw kong nakikita sa isa sa mga pahina ng aking textbook sa ingles noong elementarya. May ilustrasyon ito ng isang napakalaking sawa na hinahabol ang buwan sa kalangitan.
Sa istorya sa libro, darating ang panahon na kakainin ng malaking sawa ang buwan, at pag nangyari yun, mawawalan na ng tanglaw sa gabi, magdidilim at maari na itong maging hudyat ng pagkagunaw ng mundo. Takot na takot ako sa ideya, sino bang pitong taong gulang ang hindi manghihilakbot sa isiping ang mundo na siyang ginagalawan ko ay hindi permanente, maari itong magunaw at mawala sa kalawakan dahil sa isang malaking sawa.
Hindi ko alam kung totoo yung kwento, pero ang alam ko ay yung mumunting pagtatanong sa isip ko na bakit parang ang paaralang nagbigay ng textbook na yun ay tila ba nananakot sa murang isipan ko.
Pangalawa ay ang gyera. Ewan ko ba lagi sa isip ko ang gyera noon. Lagi ko naiisip paano pag nagkagyera, baka magkakahiwa-hiwalay kaming buong pamilya, magkakalayu-layo kaming magpipinsan. Tapos bigla magtatanong ako sa sarili, bakit ba may gyera? bakit nagaaway-away ang mga tao, bakit kailangang magdala ang mga tao ng baril pagkatapos ay sasaktan ang isa’t isa. Pero sa gitna ng pag-iisip na yun bigla ko namang maiisip kung paano ko ba naging pinsan ang mga pinsan ko, saan sila nanggaling at saan ako nanggaling.
Magulo siyempre ang takbo ng utak ko dahil bata pa ko. Nagpapasalamat na lang ako dahil lumilipat sa ibang bagay ang isip ko dahil ayaw kong balutin ng takot ng pagkagunaw ng mundo at gyera ang murang isipan ko.
Habang lumalaki ako saka ko naiintindihan yung nararamdaman kong takot na hindi na kinailangan pang magtanong ako sa nanay ko kung bakit hindi permanente ang mundo dahil alam ko na siya man ay hindi niya alam ang isasagot. Basta ang karaniwang sasabihin ng matatanda ay mabuhay ng maayos at maging handa pagdating ng araw na iyon.
Tungkol sa gyera? Uhmmm, hindi naitago ng kinalakihan kong Bagong Lipunan, Green Revolution at pagbibigay ni Marcos sa aming mga maralitang tagalungsod ng lupang kinatinitirikan ng mga bahay namin ang paligid na kinalakihan ko.
Naisip ko na, hindi nalalayo ang gyera. Dahil noon araw-araw, nakakakita ako ng mga kalalakihang may mga dalang sumpak at taga. Panahon iyong ng Sigue-sigue at sputnik gang. Hindi na ko nagugulat sa mga nagsisigawang mga tao dahil may away sa labas ng bahay. Hindi na ko natatakot sa pagsilip sa mga nakabalandrang duguang katawan sa labas ng pinto namin. Hindi na ko nagtataka sa mga hiyawan ng mga asawang histerikal dahil nasalvage at tinapon sa ibang lugar ang mga asawa nilang myembro daw ng mga gang, holdaper, isnatcher at kung anu-ano pang mga paratang na idinidikit sa mga taong bahagi ng laylayan ng lipunan.
At habang lumalaki nga ako, nakakarinig ako ng mga kanta na nagsasaad ng mga tunay na pangyayari sa iba’t-ibang parte ng pinas tulad ng mindanaw kung saan may hindi pagkakaunawaan sa prinsipyo at relihiyon. Nakakabasa ako ng mga balita tungkol sa mga pulitikong hindi umaayon sa kasalukuyang pamahalaan, nalaman ko na kinailangan nilang mangibang bansa pagkatapos nilang makalaya mula sa pagkakakulong dahil lamang sa pagsalungat sa pina-iiral na batas. Nakakapanood ako ng mga pangyayari sa telebisyon na hindi naabot ng mata ko tulad ng mga pagkilos ng iba’t ibang grupo laban sa administrasyon pero hindi pa abot ng kaalaman ko kung ano ang kanilang mga dahilan.
At habang tumatagal na may gyera rin pala sa mga kalapit at malalayong bansa. Katatapos lang pala ng gyera sa Vietnam, may gyera ang Iran at Iraq, may gyera sa Lebanon, may gyera ang mga Israelites at ang mga Palestinian, gyinera ng US ang Iraq at naulit na gyera ng US at Iraq at ngayon gustong gyerahin ng US ang Iran at ang North Korea, may gyera sa Europa, may gyera sa kahit saan.
Nalaman ko na ang mundong ginagalawan ko ay nabubuhay sa gyera. At ang mga pulbura na nanggagaling sa mga gyerang yun ay nililipad ng hangin at nabubudburan ang malayang isip ng mga kabataan. kaya alam ko na ngayon kung ano, saan at bakit may kaunting takot ang mga maliliit na bata sa mga bagay na hindi nila ganun naiintindihan katulad ng pagkagunaw ng mundo at ng gyera.
Ngayon ko rin naisip na maaring ang gyera ay ang malaking sawa na nagbalatkayo at handang sakmalin ang mundo para sa nalalapit nitong katapusan.
****wala akong maisip na titulo ng entry na to, ang ginawa ko binasa ko kay Aya yung nabuo kong kwento, maya maya sabi niya “alam ko na! alam ko na!” umupo siya sa tabi at tinipa sa title ang “ang paligid na kinatatakutan ko”.
Salamat kay Aya para sa titulo****
| 2.5 |
Viewed 794 times by 238 viewers

manilenya

