back to primitive
Eto na naman ako sa paliligo ng nakatuwad, ewan ko para akong nasa batalan na bukas ang bandang itaas at kinakailangan ko pang iyuko ang ulo ko para lang magbuhos ng tubig sa paliligo. Ang batalan para sa hindi nakakaalam ang tawag ng mga taga probinsiya o ang lumang katawagan sa paliguan, banyo, CR o bathroom. May shower naman kami sa banyo, pero hindi namin nakasanayang gamitin yun dahil sa pag narinig ni tatay yung tunog ng shower tiyak sasabihin nun na nag-aaksaya kami ng tubig at kuryente. Tubig dahil maraming natatapong tubig pag nakabukas ang shower at kuryente dahil pinapatakbo ng kuryente ang tubig namin. Kaya ang siste maliligo kami na gamit ang tabo at timba.
Okey lang sa kin yun dahil medyo namiss ko ang tabo at timba, pero ang hindi maabot ng pang-unawa ko ay ang makita kong gumagamit ng plantsang de uling yung pinsan ko para sa mga damit na bagong laba.
Una kong nakita ang plantsang de uling na ginagamit ng lola kong namayapa na. Uso na naman ang plantsang de kuryente noon pero dahil sa metikuloso si lola mas gusto niyang plantsahin ang mga inalmirol niyang daster at bestida gamit ang plantsang de uling. Sobrang matagal na yun, medyo bata pa kaya ako noon. Hindi ko inisip man lang na darating ang “future” na para bang babalik sa nakalipas at mamumuhay ng para bang primitibo.
Ang sabi ni nanay sobrang taas daw kasi ng kuryente, e dalawang bahay pa ang binabayaran ng kuryente at tubig.
Iniisip ko lang, baka pagbalik ko ulit dito e makita ko na lang na gumagamit na lang sila ng dalawang bato, magpapakahirap magkiskis para makagawa ng apoy pangluto.
| 2.5 |
Viewed 1286 times by 326 viewers

manilenya 
Welkam Bak Sa Akin!!!


No comments yet.