Ano nga ba ang nangyari sa lapis?
Isa sa paulit-ulit na kinukwento ni nanay sa akin ay noong nagsisimula pa lang ako sa unang baitang sa elementarya. Hawak ang lapis at papel nagtatanong daw ako kay nanay kung paano nga ba isulat ang isang letra sa abakada. Medyo naiinis na ata si nanay dahil ilang beses na daw sa akin itinuro ay hindi ko pa rin makuha.
Hinawakan niya ang kamay ko at sinulat ang isang letrang iyon sabay sabing “ganito o ganito ganito!”
Naramdaman ko daw ata na iritable na ang mga boses at kilos niya kaya napaiyak na lang ako. Habang umiiyak daw ay tinapos ko ang pag-aaral magsulat na hindi na muling nagtanong at nagpaturo sa kaniya.
Mula noon napalitan na ng ballpen ang lapis, gumamit na ako ng tatlong kulay ng ballpen, mga ballpen na may mababango at kumikinang na tinta at ng lumaki ako’y nagkulay dugo na ang kwaderno ko dahil sa pulang tinta na ng ballpen ang ginagamit ko, tuluyan na akong hindi na nagtanong at nagpaturo na may kinalaman sa aking pag-aaral.
Ano na nga ba ang nangyari sa lapis?
Hinahanapan ko ito ng kuneksyon sa gusto kong sabihin, pero ngayon tila katulad ng nakaraan kong entry mukhang “Ang sulating ito, bagamat may bulaklak, ay tila nakahiga sa kangkungan, mas nakikita ang mga dahon sa kaniyang luntian.”
Ano na nga ba ang nangyari sa lapis?
Siguro pinalitan ko na ang lapis ng ballpen o sign pen na gamit ko noong nakaraang entry ko.
Binasa ko ng makailang ulit yung Madilim Ang Paligid, binasa ko rin ang ilang mga nakaraang entry ko. Iisa lang ang nakita ko. Ang bawat nilalabas ng tisa ng aking lapis ay base sa karanasan ko. Yung nakita ng mga mata ko, naramdaman ng kalamnan ko, nadama ng mga palad ko, narinig ng mga mata ko. Wala namang pinagbago.
Yun nga lang, siguro masyado ngang mabulaklak ang mga salita. Kaya ba minsan hindi ko na napapansin na lumalayo na ko sa gusto kong iparating? Hindi! Siguro dahil sa iyon lang ang nakayanan ng tisa ko. Siguro nga wala pa sa mga kamay ang puso ko. O katulad ng sinabi ko dati; hindi kasing lawak ng imahinasyon ng isang tunay na manunulat ang imahinasyon ko.
O kailangan ko ng bagong lapis?
Sana Siyang nasa kabilang dulo ng kalsada, sa iyong muling pagbabalik, iwanan mo ang iyong lapis. Baka sakali, hindi lang magiging magkahawig ang tisa ng ating mga lapis. Kundi magiging isa….para hindi ka mapapagod magbasa.
Ewan ko lang kung hindi ako mapapagod magsulat.
Pero ganun pa man, salamat sa puna. Tinatanggap kong obhetibo yan. Pramis!
| 2.5 |
Viewed 1195 times by 279 viewers

manilenya 
Welkam Bak Sa Akin!!!


No comments yet.