Ito yung tinatawag na balwarte ng mga pinoy sa kahabaan ng Orchard Road sa Singapore. Dito matatagpuan ang remittance center kaya madalas pagkatapos ng araw ng suweldo dito na napagkikita ang mga OFW. Madalas pag linggo, nagkakatipon-tipon sila, may mga dalang pagkain para magpicnic, nagkakatuwaan, nagkakalabasan ng mga problema.
Akala ko noon ang Lucky Plaza ay isang park na pinagtatambayan ng mga pinoy dito, pero isa pala siyang shopping mall kung saan doon matatagpuan ang iba’t ibang produktong pinoy, mga restaurant na pagkaing pinoy at mga pinoy na nagrerelaks pagkatapos ng mahaba-habang mga araw ng trabaho.
May isa akong nakakatuwang kwento dito. Hindi ako madalas mapasyal sa Lucky Plaza, naiingayan kasi ako at walang dahilan para tumungo ako dito. After almost a year ata ng pagtigil ko ng Singapore ay sinamahan ko ang isang bisita para mapasyalan yung lugar.
Habang ang isang kasama namin ay nasa isang remittance center, may isang pinay ang tingin ng tingin sa akin, tinignan ko rin siya at parang namumukhaan ko siya.
Medyo malayo kami sa isa’t isa pero nagsalita ako.
“Parang kilala kita”, sabi ko
“OO kilala din kita”, sagot naman niyang pasigaw “teka, nag-iinternet ka ba?”
“oo, ano nick mo?” yun agad ang tanong ko sa kaniya. Akala ko e isa siyang IRC chatter na naka EB ko na noon.
Sabay kaming tumakbo papalapit sa isa’t isa….. ang gaga dahil sa maliit ako e bigla akong kinarga at pinaikot-ikot sa ere.
Kung nakakapanood ka ng mga love story na ang babae at lalaki e biglang magtatakbuhan papalapit sa isa’t isa, kakargahin ng lalaki si babae, ganung ganon ang itsura naming dalawa. Kulang na lang sa senaryo ay ang beach. Puwede ng pangpelikula.
Ang siste, ang magandang babae na nakita ko ay ang computer staff na nagtatrabaho sa isang shop na malapit sa lugar namin.
Dalawang taon na daw siya dito sa Singapore (pangatlong taon na niya ngayon) bilang Domestic Helper. At sinamang palad siyang mabigyan lang ng isang araw na day-off sa loob ng isang buwan, kaya siguro mukhang sabik na sabik noong nakita ako doon.
Kung natuwa ako noong nakita ko siya, sa kabuuan hindi ako natutuwa pag napapadayo ako sa lugar na iyon. Ang dami ko kasing naririnig at nakikita na rin ng dalawang mata ko kung paano magsaya ang karamihang pinay DH na nakatambay doon. Hindi ko na papansinin ang mga nagseseksihan nilang suot, karapatan nila iyon.
Pero ang hindi magandang tanawin pag linggo tulad ng pakikipag partner sa ibang lahi (mga Bangladeshi na foreign worker din) ay parang nakakairita. Karamihan kasi sa kanila ay may mga pamilyang iniwan sa Pinas, may mga asawa at mga anak. Pero patuloy na nakikipagrelasyon (nakikipagdenggoyan —nandedenggoy o dinedenggoy) para sa mga maliliit na bagay o halaga.
Naalala ko ang kwento ng isang pinay dito sa condo. Kinailangan niyang umuwi dahil sa nabuntis siya ng isang bangladeshi, hindi naman siya pwedeng pakasalan dahil may asawa’t anak siya sa pinas. Duda naman ako kung tutuluyan siya nung lalaki dahil kaya nandito iyon ay para magtrabaho din tulad niya at nagkataon na sa kanya nakahanap ng aliw. O pwede rin nating sabihin na nag-ka aliwan lang silang dalawa, yun nga lang pumalpak dahil may nabuong bata.
Noong gabing iyon na kinunan ko ang Lucky Plaza mula sa katapat na mall, tahimik siya. Wala ang nagkakaingay na mga ilokano, bisaya, tagalog etc. Walang nag-iiyakan dahil sa samu’t saring problema na dala dala nila mula sa pamilya sa pinas at mga amo nila. Walang nagtatawanan, walang nakikipagpalitan ng mga halakhak at tuksuhan sa mga ibang lahi. Pansamantalang tahimik ang Lucky Plaza, pero kailangan itong maghanda……dahil kinabukasan, araw ng Linggo tiyak mapapagod na naman ang lugar na iyon sa kahabaan ng Orchard Road.
| 2.5 |
Viewed 366 times by 119 viewers


bluepanjeet
manilenya






No comments yet.