titser

blog

(isang medyo mahaba ng entry sana ang ginawa ko para sa topic na ito, pero dahil sa internet connection ko nasayang lang ang pagod ko)

Curious lang sana ako sa dalawang ito, dalawang kabataang guro na nagpasyang iblog ang mga karanasan nila sa loob ng eskwelahan. Paano kaya sila magturo? Nakakatuwang isipin na meron pang mga tao ang nasisiyahan sa pagtuturo bilang kanilang propesyon na napili.

Noong bata pa ako, madalas akong tanungin kung ano ang gusto kong maging paglaki ko, teacher lagi ang sagot ko. Pero habang tumatagal alam ko sa sarili ko na hindi ako magiging guro. Naalala ko minsan sa high school, naatasan akong pumalit sa ilang mga teacher ko noong boys and girls week. Parang isang klasikong eksena sa isang pelikula na nagpapakilala sa tipikal na striktong guro ang pagpapaikot sa estudyante sa loob ng classroom sa dahilang wala syang dalang papel para sa maigsing pagsusulit ang ginawa ko noon.

Sa panahon ngayon tiyak sisipain ako palabas ng silid-aralan ng mga estudyante kung gagawin ko ulit iyon.

Noong nasa kolehiyo ako nasanay ako sa isang liberal na paraan ng pagtuturo. Di ko makalimutan yung mga naging propesor ko na pinababayaan kaming magyosi sa loob ng klase, pero syempre kailangan me yosi din sila at ang cool e naghihingian pa kayo ng reserba.
Habang nagdidiskusyon ay pwede kang maupo sa desk ng silya habang dindebunk mo ang teorya na pinapaliwanag nila.

At higit sa lahat pwede kang hindi pumasok basta ba pag oral exam (sa oral exam madalas ay debate ang ginagawa) at written exam ay nasa klase ka.

Pero syempre hindi laging swerte, nandiyan din ang mga bookish na teacher, karamihan sa kanila kundi matatanda na ay mga bagong graduate at kasalukuyang nag-aaral sa grad school. Ang panlaban ko lang sa mga iyan ay mga researches na mas madalas e kopyang kopya lang sa mga librong kailangan nila para sa thesis nila. At syempre sa mga may edad na teacher ang iniiwan ko ay isang magandang impresyon sa umpisa ng klase …. bahala na sa mga susunod na araw kung anong mangyayari.

Pero ang isang guro na hindi ko makakalimutan ay hindi ang mga naging prof ko sa kolehiyo kundi ang Filipino teacher ko noong first year high school. Isang masayahing babae, may katabaan at may makapal na salamin. Kahit may katarayan si ma’am nagagawa nyang gawing masaya ang loob ng klase pag oras na nya. Kitang kita mo sa kanya na gusto nya ang ginagawa nya at masaya siya sa piling ng kanyang mga estudyante.

Huli kaming nagkita apat na taon pagkatapos ng unang taon ko sa high school. Medyo pumayat sya, wala na ang makapal nyang salamin pero di ko na nakita ang masayahin nyang mukha. Kinalabit nya ako sa balikat, noon ay nasa Liwasang Bonifacio kami para sa isang programa. Nasa gitna kami ng isang malawakang mobilisasyon at hindi ko inaasahan na makikita ko sya doon.

“Kilala kita!”

Ma’am!” tugon ko. “estudyante nyo po ako noong high school.”

“Oo nga, naalala ko na. Nandito ka pala?”

“Opo, nasa cultural block po ako, kami po yung mga nagsasayaw sa unahan ng mob may mga hawak na flag.”

“Di ba nakakapagod yan? Ang haba na ng tinakbo natin tapos may dala dala ka pang flag.”

“Ma’am baka kayo napapagod na, pwede kayong umupo me lilim doon o.” sabay turo ko sa isang puno sa di kalayuan.

“Pagod na nga ako, pagod na pagod na ko. Alam mo ba yung hunger strike ng mga guro dahil sa mababang pasahod at patuloy na pag-gamit sa amin sa eleksyon? kasama ako doon. Napatalsik kami sa pagtuturo. Hindi kami pababalikin hangga’t di kami humingi ng tawad at mangakong hindi na mag rarally ulit. Anak ang ibang mga kasama ko, nagbalik na sa pagtuturo at nangakong hindi na mag sstrike ulet. Baka bumalik na rin ako…. wala akong trabaho ngayon matagal na.” mahabang litanya ni ma’am.

Di ko na nakita si ma’am pagkatapos non. Siguro ngayon nagtuturo na ulit sya.

Rate this:
2.5

Viewed 475 times by 148 viewers

RSS feed | Trackback URI

Comments »

No comments yet.

Name (required)
E-mail (required - never shown publicly)
URI
Subscribe to comments via email
Your Comment (smaller size | larger size)
You may use <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong> in your comment.